"TUTULAAN KO ANG ARAW"
(Ikalawang Bahagi)
ni ARTHUR P. CASANOVA
(Ikalawang Bahagi)
ni ARTHUR P. CASANOVA
Tutulaan ko ang araw/
Na ngumingiti sa pinto ng langit./
Upang ang mga uyayi ay kanyang maawit/
Sa mga kabataang natutulog sa mga lansangang pusikit./
Sa sementong malamig, doon nakahimlay habang humihibik,/
Kulay pighati ang hamog na bumabalot sa paligid.//
Tutulaan ko ang araw/
Na tila nagsasayaw ng Pandanggo sa Ilaw./
Upang magdulot ng kislap sa mga mata/
Ng mga kapuspalad sa mga bahay-kalinga,/
Ng mga kabataan sa mga bahay-ampunan,/
Ng mga may kapansanan sa Tahanang Walang Hagdan,/
Ng mga matatanda na Home for the Aged ang sinisilungan,/
Ng mga pilay, pipi, bingi, bulag, at iba pang may dinaramdam./
Kulayan ang buhay nila’t ilayo sa mga kapighatian.//
Tutulaan ko ang araw/
Na buong giliw na namimintana araw-araw./
Sasayawan ko pati ang mga buntala,/
Hihingi ng habag at limos para sa mga manggagawa;/
Pagal na ang mga katawan sa paggawa./
Kapos sa biyaya, mayaman sa luha.//
Lungsod ng Mandaluyong
Oktubre 24, 2013
No comments:
Post a Comment