Latest news and information on arts, music, culture, dance,etc....plus stories & adventures of pinoy artists...

Labels

October 14, 2013

Tula, Awit, Dula ni Frank G. Rivera - Pagpupugay sa Outstanding Artist Teacher


 Malugod na itatanghal ng Philippine Centre of the International Theatre Institute (I.T.I.), isang World Performing Arts na organisasyon sa ilalim ng pagtangkilik ng UNESCO, ang “ TULA, AWIT, DULA NI FRANK G. RIVERA” kaugnay sa pagdiriwang ng ika-45 na taon ni Frank G. Rivera sa teatro na gaganapin sa Emilio Aguinaldo College Theatre, Ermita, Lungsod ng Manila sa Oktubre 18, 2013 (Biyernes) sa ika-3 ng hapon (Matinee) at ika-7 ng gabi (Gala).

Isa rin itong benepisyong pagtatanghal na naglalayong matulungan si Frank na ngayon ay dumaranas ng sakit na kanser. Itinatampok sa pagtatanghal ang mga aktor ng tanghalang mga kasapi ng Sining Kambayoka, CEU Dramatics Guild, Alab-Artistika, Philstagers, Earthsavers- UNESCO Artists for Peace at A.C.T.I.O.N. kabilang sina Liesl Batucan, Roeder, Alegria, Njel de Mesa, Vince Tanada, Montet Acoymo, Shirley Halili Dance Group, Cynthia at Lionel Juico, Jim Pebanco, Fray Paolo, Dang Elio, Wally Tuyan at Joel Lamangan, Isagani Cruz at iba pang mga espesyal na sorpresa na pinangungunahan ng Aliw Entertainer of the Year 2013, Dulce at Aliw Awardeee Entertainer of the Year 2012 na si Lisa Macuja-Elizalde. Magsisilbing host sina Cecile Guidote-Alvarez, Ramon Magsaysay Outstanding Asian Awardee at Dr. Arthur P. Casanova, Metrobank Outstanding Teacher Awardee. Video ni CJ Andaluz ng Pixel Media Arts at sa direksyon ni Joey Nombres.


Nagtamo ng 2012 Fr. Neri Satur Award for Environmental Heroism for Eco-Media Education at ng Alab ng Haraya Awardee, pinamumunuan ni Rivera ang Phil. I.T.I. Centre’s Youth Theatre Practitioners Committee at nakapagsakatuparan ng mga seminar-palihan sa loob ng 43 taon sa iba’t ibang panig ng bansa mula Batanes hanggang Tawi-Tawi sa pagtataguyod ng NCCT-DepEd, NCCA Kalahi, DOT Tunay na Kulturang Pinoy, CCP Batang Sining, Metropolitan Theatre, Sining Kambayoka, PETA, at A.C.T.I.O.N. Nagsagawa rin siya ng mga Cultural Caregiving Theatre Workshop sa mga internasyunal na mag-aaral sa Thailand, South Korea, Singapore at Portugal para sa ITI- Earthsavers UNESCO Dream Center Overseas Pinoy Program.

Tagapagtatag ng bantog at premyadong pangkat panteatrong Sining Kambayoka ng Mindanao State University sa Lungsod ng Marawi, inakda ni Rivera noong dekada ’70 ang mga orihinal na sarsuwelang “Ambon, Ulan, Baha” (bago naging pangunahing usapin ang pangangalaga ng kapaligiran), “Oyayi,” at “Halik sa Kampilan” na hanggang sa kasalukuyan ay regular na itinatanghal ng iba’t ibang pangkat panteatro sa iba’t ibang panig ng ating bansa, gayundin ng mga dulang musikal na “Tao, Isang Tagulaylay” at “To Be A Butterfly.” Huli niyang idinirehe ang modernong sarsuwela ni Dr. Isagani R. Cruz na “Baler sa Puso Ko” na nagtamo ng Aliw Award for Best Musical.

Kilala sa taguring “Makata sa Cellphone,” nakapagsulat si Rivera ng 21 na mga aklat na katatagpuan ng mga antolohiya ng mga dula para sa tanghalan, radyo, telebisyon, at pelikula, mga kalipunan ng mga maikling kuwento, sanaysay, at tulang inilathala ng UST Publishing House, National Book Store, at Rex Publishing House, Inc. Ginawaran siya ng apat (4) na National Book Award at ang kanyang mga textula ay binabasa’t binibigkas sa mga pulitikal na rali, ipinapasa bilang text-mensahe, binabasa sa radyo, ginagamit sa midyang pangmadla, inilimbag sa mga tabloid at mga kolum ng mga pangunahing pahayagan, binibigkas sa mga palatuntunang pampaaralan, at ginagamit bilang piyesa sa mga pagtatanghal ng mga Sabayang Bigkas, Interpretasyong Pabigkas, at mga Declamation Contest. Nakamit niya ang kanyang unang kasanayan sa drama at teatro, radyo, at telebisyon mula Philippine Educational Theatre Association (PETA) na itinatag ni Cecile Guidote-Alvarez.

Anim na buwan nang nasa ospital dahil sa sakit na lymphoma cancer (na kumitil din sa kanyang kaibigan at katukayong si Frank Chavez), dumaan sa 13 oras na operasyon, at ngayo’y dumadaan sa 8 serye ng Chemotherapy. Umaasa ang I.T.I. na ang kikitain ng “TULA, AWIT, DULA NI FRANK G. RIBVERA” ay makatutulong sa kanyang mga bayarin sa ospital. Para sa mga interesadong tumulong, maaaring magpadala ng email sa casanova_arthur@yahoo.com.ph o sa cellphone ni Dr. Arthur P. Casanova: 0917-8231499 o ni Cecile Guidote-Alvarez: 0917-5432889.

Cecile Guidote-Alvarez President, Philippine Center of ITI Director, UNESCO DREAM Center (632) 524-6662 FOR IMMEDIATE NEW RELEASE Contact #:- 524-6662/ 09175432889/09178231499

No comments:

Post a Comment

Interesting Blogs